SAP: A sort of Public Service in the middle of a Pandemic
SAP: A sort of Public Service in the middle of a Pandemic
Christian Jay Sope Laya
Mapalad akong naging kasangkapan upang makita ng mamamayan ang hirap at sakripisyong ipinuhunan ng mga kawani ng gobyerno para maihatid ang perang hinukay mula sa kaban ng bayan. Napapagitnaan tayo ng dalawang krisis, ang COVID-19 na hindi nakikita at karaingan pangmadla na nakabibingi. Ang tuluyang paglamon ng mga krisis na ito sa diwang mapayapa ng mga tao ang nagpamitsa sa tulog kung haraya upang gawin ang pagsasalaysay na ito. Bata pa lang ako naging bahagi na ng buong kong sistema ang iulat sa pansariling kong pananaw ang mga sitsit at ungol ng aking kapaligiran. Napapanatili ko na maingatan ang mga imahen sa aking isip na para bang ako'y lutang sa ekspektasyon tulad ng mayorya.
SAP Pay-out sa Paraiso
Abril 23, 2020
Umaga'y bata pa at animo'y antok pa ang pintuan ng kaluluwa ngunit dahil pagong na galaw mag-aalas otso na nagsimula umikot ang mga gulong patungong Paraiso. Una sa listahan ang mga mamamayang lumad ng barangay na kilala sa pagiging tahanan ng mga makakaliwang paksyon ng lipunan. Nakabuntot sa linya ng mga behikulo ang mga armadong kawal ng gobyerno, tagapagbantay sa mga empleyadong dala'y libo-libong salapi na ipamamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Bago mag-alas dyes, patapos na at sa susunod na ruta'y tutungo na.
SAP Pay-out sa Spring
April 23, 2020
Alas-onse, signos ng pananghalian, sa awa ng Diyos nagdilang anghel ang barangay at sa packlunch na manok ang hatid sa aming mga dokumentador. Mag-aalas dose, dumating mga tagadala ng perang papel. Magulo at hindi sistematiko. Kailangan pa magpalakasan ng sigaw para tao'y makontrol at matuloy ang pay-out.
Sa linya ng mga tao halata ang saya, "excited" kung baga. Perang limang libo na di pinagpawisa'y makukuha na. Sa bawat click ng camera, kitang kita ang ngala-ngala, sambit na pasasalamat nakalimutan na. Alas dos na pala di na napansin ang oras na kasing bilis ng hangin.
SAP Pay-out sa Ladol
April 24, 2020
Tulad ng kahapon, mabagal na daloy ng gawa ang malinaw na masdan at layong isang metro di na makita. Social distancing di na halata, ingay na nakakabasag ng mga bombo sa tainga.
Hindi na naghapon, tapos na ang pilahan at halos ay ngiting wala bakas ng galak ang iyong kakikitaan. Paanyaya ng barangay tila gayuma'y hila sa mga kasamahan kung gutom sa pag-aruga. Itim na tinta sa lalamuna'y pananggal uhaw.
SAP Pay-out sa Alegria
April 28, 2020
Nakalulula, nagsama ng mga payaso.
Maraming tao. Aakalain mong piyesta sa musikang pasigaw at ingay ng pagbati. Katulad ng mga nagdaan, taga-kuha ng larawang walang sigla ang aking linya. Nagpabagal sa daloy ng trapiko ng mga tao ang pagkuha ng hulagway ng mga engkantao. Sayang-sayang sa mga epikong tagpo, pawis na pataas ang naranasan ko. Huminto-hinto at di mapanuto kababaang dunong ay iba't iba, iba?
Gutom na kasi na ka merienda. Kakain na ba? patanong ng dila.
Hindi ko ma dikit ang aking balat sa mga sisiw na parte ng mga taong dilaw.
SAP Pay-out sa Tokawal
April 28, 2020
Hapon na at di pa handa.
Pa-takip silip na at pila'y mahaba-haba, kawawa na man, pagod na sila - reklamador. Mag-aalas-saes na bago matapos ang pay-out nila. Dahil wala abiso, nagmamadali tao, kahit kabuwana'y maaanak na siguro ay pumila kasi "risky" diba no?
SAP Pay-out sa Pag-asa
April 29, 2020
Dalawang "venue" sa Pag-asa, una'y sa Sufan sa loob ng simbahan at sumunod ay sa Barangay Hall Gymnasium. Malikabok, malayo ngunit tuloy ang laban.
Matensyon, maalburuto. Sigaw dito - smile doon.
Salamat po, dahil matamis na inumin ay mas nagpa-uhaw sa amin. Mag-aalas kwantro na, patapos na pala. Doo'y mali ka pasimula pa ang isa.
SAP Pay-out sa Bagacay
April 29, 2020
Arrange first.
Parang walang natutunan sa karanasan. Araw ay nakatago na samantala'y pay-out ay nasa na gitna pa.
Binignit ang highlight sa pay-out na ito. Sakto sa tamis, bitin sa dami. Ang bulong ko sa mga inggit na inggit kong kauban, mamatay ka yo sa kagat ng langgam.
SAP Pay-out sa Kawas
April 29, 2020
Maingay. Isang kabaliwan.
Magha-hating gabi na.
SAP Pay-out sa Poblacion
April 30, 2020-May 01, 2020
Huling barangay. Pinagsama-sama barangay. Purok na barangay sa dami ng mga nasa listahan. Panay reklamo ang dinig ko sa gilid. Panay simangot ng mga di makapaghintay. May mayaman, may kaya ngunit di na hiya sumali sa pila. Dalawang araw bago natapos ang kalbaryo ng mga taga-buhat ng krus.
Isang prebilehiyo na ma-dokumento ang ilang bahagi ng SAP Pay-out na ito sa bayan ko. Magiging mitolohiya ito ng mga modernong tao. Malamang sa malamang, bayani na rin ang turing nila sa mga taong kumuha kahit di na naman karapat-dapat. May kwalipikado nga, palsipikado na man ang laman ng porma. Pormado ng kumuha ng singko, ipinangbayad sa utang noong isang taon, pagkatapos nganga wala makain ang bida. Dahil ubos na ang limang libong ayuda mula sa SAP, laway ay tutulo sa kanila sapagkat inggit sa isang sakong bigas ay masasariwa. Sigwa ng unos dulot ng pagod at kawalang inspirasyon ay mapapalitan ng pasasalamat at paralumang ala-ala. (----)
Comments
Post a Comment